Lalaking na-videohan habang minomolestiya ang isang menor de edad, arestado

Image via Baguio City Police Office - Tourist Police Unit

Nadakip ang isang chess instructor sa Baguio City matapos mag-viral ang video nitong minomolestiya ang isang bata nitong Linggo.

Sa bidyo at litratong ibinahagi ng isang concerned citizen sa Baguio Sumbungan Forum Facebook Group, makikitang nakaakbay ang lalaki at hinihimas ang binti at pribadong bahagi ng batang babae.

Nagpatuloy ang kalaswaan ng salarin sa Burnham Park habang abala ang biktima sa paggamit ng cellphone.


Ang suspek ay mismong instructor ng 10 taong gulang na bata.

Ayon sa concerned citizen, natakot siya para sa bata dahil alam niyang hindi tama ang ginagawa ng lalaki at menor de edad palang ito.

Matapos isumbong sa pulisya ang kaawa-awang sinapit ng biktima sa kamay ng suspek, agad itong naaresto sa Igorot Park na kasama pa rin ang bata.

Ayon sa magulang ng biktima, hindi nila akalaing gagawin ito ng guro. Tinuring din nila itong kapamilya. Isang araw bago mangyari ang insidente, pinaalam nito ang bata na tuturuan ng chess.

Pero sabi ng lalaki, may relasyon sila ng bata.

“Nagkakaintindihan po kami, parang may relasyon po kami ganun. Kaya ‘yung paghawak ko sa lang sa leg niya, parang normal lang sa kaniya yun,” pahayag ng guro.

Mariing itinanggi ng magulang ang sinabi ng suspek.

Sa ngayon, kinasuhan ang titser ng paglabag sa Republic Act 7610 o child abuse at possibleng madagdagan pa base sa magiging resulta ng imbestigasyon.

Pansamantalang nakapiit ang lalaki sa Baguio City Jail.

Facebook Comments