May mga hakbang ngayon si Senator Panfilo Ping Lacson para pasinungalingan ang iginiit ni Health Secretary Francis Duque na walang bahid-dungis ang record nito sa gobyerno.
Sa kanyang pagsisiyasat ay natuklasan ni Lacson na pag-aari pala ni Duque ang inuupahang Regional Office ng PhilHealth sa Dagupan, Pangasinan.
Ipinakita pa ni Lacson sa media ang kopya ng Contract of Lease dito na pirmado ng kapatid na babae ni Duque.
Diin ni Lacson, hindi ito nararapat dahil si Duque ang tumatayong Ex-Officio Chairman ng PhilHealth board of directors.
Una rito ay ibinunyag ni Lacson na sangkot din umano si Duque sa mga naunang katiwalian sa PhilHealth.
Partikular na tinukoy ni Lacson, ang ilegal na paggamit noon sa 530-Million pesos na pondo ng Overseas Workers Welfare Administration na ipinambili ng PhilHealth Cards at ipinamahagi sa buong bansa noong Arroyo Administration.