GUSALI NG BAYAMBANG POLYTECHNIC COLLEGE, TARGET MATAPOS SA NOBYEMBRE

Target na makumpleto ang konstruksyon ng bagong gusali ng Bayambang Polytechnic College sa November 2026 na magbubukas ng mas malapit na akses sa edukasyon.

Ang naturang gusali ay magkakaroon ng apat na palapag at tatlumpu’t dalawang silid-aralan. Inaasahan din na maaaring pareho sa Pangasinan Polytechnic College o may iba pang karagdagang kurso ang bubuksan sa institusyon.

Kamakailan ay masusi itong sinuri ng itinalagang Presidente upang tiyakin na naipatutupad nang maayos ang plano, nasa takdang oras, at sumusunod sa pamantayan ang proyekto.

Ang nasabing target na buwan ay kasabay ng makasaysayang pagtatapos ng kauna-unahang batch ng mga mag-aaral sa naturang kolehiyo na karamihan ay binubuo ng mga first-generation learners.

Binigyang diin din na mahalagang masubaybayan ang bawat yugto ng konstruksyon upang masiguro na ang pondong inilaan para sa edukasyon ay nagagamit nang wasto at may malinaw na benepisyo sa komunidad.

Ang bagong gusali ng BPC ay naglalayon na palakasin ang sektor ng edukasyon sa lalawigan sa pagbibigay ng mas malawak na oportunidad upang makapagtapos sa pag-aaral ang mas maraming Pangasinense. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments