Gusali ng Manila RTC at MTC, pansamantalang isasara matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang piskal

Pansamantalang isasara ang Old Ombudsman building kung saan matatagpuan ang Manila Regional Trial Court (MRTC) at Metropolitan Trial Court (MTC) matapos na magpositibo sa COVID-19 ang isang public prosecutor doon.

Ang naturang lockdown ay sa loob ng 14 na araw o hanggang sa June 29, 2020.

Layon ng lockdown na makapagsagawa ang Manila City government ng disinfection at sanitation sa buong gusali.


Naglabas din ng memorandum si Executive Judge Carissa Anne Manook-Frondozo na nag-aatas sa lahat ng empleyado na nag-oopisina sa gusali na sumailalim sa self-quarantine at para maiwasan ang pakikipagsalamuha sa publiko.

Nagsasagawa na rin ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng piskal.

Sa kabila ng lockdown, magpapatuloy naman ang operasyon ng mga hukuman sa pamamagitan ng video teleconferencing.

Ang mga pleadings naman ay tatanggapin via online.

Facebook Comments