Gusali ng Sogo Hotel sa Maynila gumuho; 2 trabahador patay

Courtesy Manila Public Information Office

Patay na ang dalawang trabahador na na-trap sa gumuhong gusali ng Hotel Sogo, sa Malate, Maynila, ayon kay Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno’ Domagoso.

Kinilala ang mga nasawing manggagawa na sina Jeremoe Fabello at Melo Ison.

Pasado alas-3 ng hapon nang makuha ang katawan ni Ison at tinakbo sa Ospital ng Maynila.


Patuloy pa rin ang pag-retrieve sa labi ni Fabello na nabagsakan ng malalaking pitak ng semento.

Ayon sa Manila Public Information Office, naganap ang insidente bandang alas-9:30 ng umaga, nitong Lunes.

Agad silang nagpadala ng emergency response units sa lugar at isinugod sa pagamutan ang mga nasugatang construction worker.

Batay sa paunang imbestigasyon, sumasailalim sa demolisyon ang naturang bahagi ng motel nang mangyari ang pagguho.

Nagtungo din si Moreno sa lugar para mag-inspeksyon at iniutos na isara muna ang parte ng Hotel Sogo sa Adriatico Street.

Sarado pa din sa mga motorista ang Mabini Street.

Hanggang ngayon, inaalam pa ng awtoridad ang dahilan ng pagguho ng naturang gusali.

Facebook Comments