Hinimok ni Bagong Henerasyon Representative Bernadette Herrera ang mga mambabatas at economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte na plantsahin ang mga isyu sa panukalang ₱1.3 trillion economic stimulus package na pantugon sa COVID-19 crisis.
Ang apela ay bunsod na rin ng sinabi ng National Economic Development Authority (NEDA) na hindi kayang pondohan ang Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy (ARISE) Bill.
Hindi aniya katanggap-tanggap ang pahayag ng NEDA para sa mga kongresista lalo na sa mga nagpakahirap para mabuo, maisulong at mapaaprubahan ang panukala sa Kongreso bago ang sine die adjournment.
Naniniwala ang mambabatas na magagawan ito ng paraan kung magkakaroon ng dayalogo lalo’t mahalaga aniyang maipatupad ang stimulus package para muling makabangon ang ekonomiya.
Nagbabala si Herrera na kung hindi mapopondohan ang ARISE Bill ay maraming kumpanya ang permanenteng magsasara at mas maraming Pilipino pa ang mawawalan ng trabaho.