Gwardya na nahulihan ng shabu sa Bilibid, iimbestigahan na ng NBI

NBP – Iimbestigahan na ng National Bureau of Investigation ang isang prison guard na nahulihan ng 100 gramo ng shabu sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prisons.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, magkakasa ang NBI ng parallel investigation at kanilang aalamin ang buong detalye kung bakit at paano nakuha sa pag-iingat ni Prison Guard 1 Ernesto Dionglay Jr. ang 100 gramo ng shabu.

Sa isang mensahe, sinabi naman ni Justice Undersecretary Erickson Balmes na hindi nila kukunsintehin ang ganitong maling gawain.


Kasunod nito, sinabi ng parehong opisyal na kung mapapatunayang nagkasala si PG1 Dionglay ay dapat itong managot sa batas.

Kaninang umaga, habang nagsasagawa ang PNP SAF ng body search sa mga kawani at empleyado ng Bureau of Corrections nakuha kay Dionglay ang droga.

Kasalukuyang nakaditene ang akusado sa Muntinlupa City Police Station.

Matatandaan nito lamang Hulyo a-27, sinabi ni Secretary Aguirre na siya muna ang direktang mamumuno sa Bureau of Corrections habang wala pang kapalit ang nag-resign na si BuCor Director General Benjamin De Los Santos.

Facebook Comments