Habambuhay na pagkakabilanggo sa mga may-ari ng lugar na pinagganapan ng hazing at mga opisyal ng fraternity, isinusulong ni Sen. Raffy Tulfo

Hiniling ni Senator Raffy Tulfo na kasuhan ng habambuhay na pagkakabilanggo ang mga may-ari ng lugar na pinagganapan ng hazing at ang mga opisyal ng fraternity sa isang paaralan o chapter na sabit sa insidente ng hazing.

Ang panawagan ni Tulfo ay kasunod ng imbestigasyon ng Senado tungkol sa pagkamatay sa hazing ni Adamson University student John Matthew Salilig.

Sa pagdinig ng Senado, isinulong ni Tulfo na maisingit sa probisyon ng Anti-Hazing Law ang pagpapataw ng parusang Reclusion Perpetua para sa mga may-ari ng lugar kung saan isinagawa ang hazing lalo na kung mauwi ito sa pagkamatay ng biktima.


Ang mga ito ay ituturing na accomplice o kasabwat sa krimen, alam man o hindi ang nasabing aktibidad.

Tinukoy pa ni Tulfo na karaniwang ang nag-facilitate ng hazing at ang lugar na pinagganapan ng initiation rites ay magkamag-anak kaya malamang ay may alam ang mga ito ngunit mas pinili na walang gawin para sana naiwasan ang mga kahalintulad na insidente ng pagkasawi dahil sa hazing.

Parusang habambuhay na pagkakakulong din ang nais ni Tulfo sa mga opisyal ng fraternities sa mga paaralan o sa chapter.

Giit ng senador, hindi naman magaganap ang initiation rites kung hindi alam o walang go signal mula sa mga matataas na opisyal ng fraternity.

Naniniwala ang mambabatas na magiging daan ito para matigil na ang hazing at pamamaslang sa mga inosenteng estudyante.

Facebook Comments