Habambuhay na pagkakakulong at mataas na multa sa mga opisyal ng gobyerno na makikipagsabwatan sa mga agricultural smugglers, isinusulong ng Senado

Isinusulong ni Senator Risa Hontiveros ang mahigpit na parusa sa sinumang government officials at employees na mapapatunayang nakipagsabwatan sa mga large-scale agricultural smugglers.

Nakapaloob ito sa inihaing Senate Bill 2205 ni Hontiveros kung saan pinaaamyendahan ang ilang probisyon sa ilalim ng Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Law.

Tinukoy ni Hontiveros sa inihaing panukala na mula nang maisabatas ito noong 2016, wala ni isang indibidwal, grupo o korporasyon ang naparusahan sa kabila ng maraming ulat ng pagkumpiska ng mga smuggled na produkto.


Wala ring pagpapanagot sa mga government official na nagpalusot at tumulong para maisakatuparan ang agricultural smuggling na nagresulta sa large-scale economic sabotage dahilan kaya namamayagpag at hindi napaparusahan ang mga big-time agricultural smugglers.

Inihalimbawa na lamang dito ni Hontiveros ang pagpasok sa bansa ng ilang libong toneladang imported na asukal na wala pang inilalabas na sugar order at ang ilang matataas na opisyal ng Department of Agriculture (DA), Sugar Regulatory Administration (SRA) at maging sa tanggapan ng pangulo ay nakakaladkad sa iyung ito.

Isisingit sa probisyon ng batas na ikunsidera na ring economic sabotage ang pag-apruba o pag-iisyu ng isang public employee o officer ng license, declaration, clearance o permit lalo na kung ito ay batid na labag sa batas o idinaan sa iregular na paraan.

Ang sinumang opisyal o empleyado ng pamahalaan na mapapatunayang lumabag ay mahaharap sa habambuhay na pagkakabilanggo at multang doble sa halaga ng ini-smuggle na produkto kasama ang buwis, duties, interes at iba pang singil.

Facebook Comments