Hacienda de San Luis, Kinokonsidera bilang Isolation Facility ng LGU Cauayan

Cauayan City, Isabela- Inaasahan na madaragdagan pa ang bilang ng mga uuwing Overseas Filipino Worker (OFWs) sa Probinsya ng Isabela sa kabila ng nararanasang krisis dulot ng pandemya.

Kasabay din nito ang ginagawang paghahanda ngayon ng Lokal na Pamahalaan ng Cauayan para sa pagbubukas ng dagdag na pasilidad na siyang gagamitin ng mga OFWs.

Ayon kay City Mayor Bernard Dy, inihahanda ang pagbubukas ng ‘Hacienda San Luis’ na siyang gagamitin para sa isolation facility ng mga uuwing manggagawa sa lungsod.


Tinatayang makakaokupa ng 50 hanggang 60 na katao ang mapapasailalim sa isolation facility ng hacienda.

Sakaling maisaayos ang pagpapatupad sa hacienda bilang quarantine facility ay kinakailangan na magkaroon ng koordinasyon ang LGUs sa mga opisyal ng barangay San Luis na siyang mangangasiwa sa pagluluto ng pagkain ng mga OFWs.

Samantala, isa rin sa inaasahang rason ng pagdagsa ng mga uuwing OFWs ay ang mababang pasahe sa eroplano na umaabot sa P550.

Tinitiyak naman ng Lokal na Pamahalaan na masusunod pa rin ang safety protocols sa pagsakay ng mga uuwing manggagawa sa eroplano kabilang ang pagsisigurong may mga dokumento.

Facebook Comments