Manila, Philippines – Sinimulan na ng Social Security System ang kampanya nila na Run After Contribution Evaders (RACE).
Layunin ng kampanya ng SSS na habulin ang mga tindahan o negosyo sa buong bansa na non-compliant sa republic act 8282 o ang Social Security Act of 1997.
Nabatid na sa isang mall sa Batangas sinimulan ng SSS ang kanilang pag-iikot, kung saan natuklasan nilang hindi rehistrado bilang SSS members ang mga empleyado ng ilang tindahan.
Kaagad na naghain ng show cause order ang SSS para sa ilang establisyimento sa naturang mall.
Habang pinabayaran naman kaagad sa ilang negosyante ang unpaid contributions nila na aabot sa mahigit P300,000.
Ayon sa SSS, bibigyan nila ng labing limang araw ang mga employer na mag-reply sa show cause order kung saan ay pwede nila itong ipasa sa pinakamalapit na SSS branch.
Kapag nabigo ang mga delingkwenteng employer na rumesponde sa show cause order ay maaari silang maharap sa kaukulang kaso at posibleng maparusahan ng hanggang labing dalawang taong pagkakakulong habang kailangan din nilang bayaran ang kabuuang halaga ng delinquencies at pay penalties.