Manila, Philippines – Haharangin ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang panukalang buwisan ang text books at iba pang learning materials.
Nakapaloob ito sa ikalawang package ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN 2, na tinawag ng Kamara na TRABAHO Bill o Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities Bill.
Giit ni Zubiri ang tax exemption sa mga items libro ay dapat mapanatili sapagkat ito ay mahalagang bahagi ng edukasyon.
Katwiran ni Zubiri, ang planong buwisan ang text books ay taliwas din sa layunin ng Universal Access to Quality Education na gawing abot-kaya para sa mga Pilipino ang mahusay na edukasyon.
Paliwanag pa ni Zubiri, hindi mapapalitan ng internet ang halaga ng pagbabasa ng libro at ang literacy skills na kaakibat nito.