Manila, Philippines – Malugod na tinatanggap ni Senator Antonio Trillanes ang pagsasampa ng panibagong reklamong libelo laban sa kanya ni dating Davao City Vice Mayor Paolo ‘Polong’ Duterte.
Ayon kay Trillanes, magiging oportunidad ito para patunayan ang mga alegasyon nito laban sa presidential son.
Aniya, maituturing si Polong na ‘hostile witness’ kapag umusad na ang kaso sa korte.
Dagdag pa ng senador, maaatasan din ang dating bise alkalde na ipakita ang kanyang ‘tattoo’ sa kanyang likod para mapatunayang miyembro ito ng isang Chinese triad drug syndicate.
Plano rin ni Trillanes na ipa-subpoena ang mga bank accounts ni Duterte.
Mula nitong September 4, nananatili pa rin sa Senado ang senador matapos bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang amnestiya.
Ang libel case ay nag-ugat sa alegasyon ni Trillanes na ang nakababatang Duterte ay sangkot sa ilegal na droga at dawit sa extortion mula sa ride-hailing companies.
Una nang itinanggi ni Paolo Duterte ang mga alegasyon.