Manila, Philippines – Sa tingin ni Sente President Tito Sotto III, hindi pa ngayon ang tamang panahon para imbestigahan agad ng senado ang magkakasunod na kaso ng pagpatay sa ilang paring Katoloiko.
Giit ni Sotto, dapat hayaan muna ang Philippine National Police o PNP na resolbahin ang mga kaso ng pagpaslang sa mga pari bago kumilos ang Senado.
Naniniwala si Sotto, na wala pang mga kongkretong impormasyon na mailalahad sa pagdinig ng Senado ang mga ipapatawag na pulis dahil patuloy pa ang kanilang isinasagawang pagsisiyasat.
Mariin ding kinontra ni Senator Sotto ang pahayag ni Senator Risa Hontiveros na ang mga atake ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Simbahang Katoliko ay posibleng naka-impluwensya o nakahikayat sa paggawa ng krimen laban sa mga pari.
Diin ni sotto, malinaw na pulitika ang basehan ng nabanggit na pahayag ni Hontiveros at hindi rin dapat pulitika ang maging sandigan ng isinusulong nito na Senate hearing ukol sa mga pagpaslang sa ilang pari.