Ipinasasalang sa review ng Kamara ang Hajj Coordination Program ng National Commission for Muslim Filipinos (NCMF) sa pagbubukas ng 19th Congress.
Ito ay kaugnay na rin sa nangyaring pagkabinbin sa pag-alis ng bansa ng halos 400 mga kababayang Muslim na pupunta sana sa Hajj Pilgrimage sa Saudi Arabia.
Giit dito ni Deputy Speaker Mujiv Hataman, nakalulungkot na marami sa kanyang mga kapwa Muslim ang hindi makararanas ngayon ng taunang Islamic pilgrimage dahil lamang sa pagkakamali o kapabayaan ng iilan.
Aniya, isa pa naman ang Hajj sa pinakamalaking bahagi ng buhay ng mga Muslim at maituturing na mapalad ang makapagsasagawa nito ng isang beses sa kanilang buhay.
Bunsod nito ay tiniyak ni Hataman ang pagkakasa ng isang congressional review sa pagbubukas ng sesyon sa Hulyo upang silipin ang kabiguan ng NCMF na i-secure ang travel visas ng mga Hajj pilgrims na stranded sa Metro Manila at hindi na makaalis papuntang Mecca.
Ipinagtataka ng kongresista kung bakit nangyari ang insidenteng ito gayong may pondo naman ang NCMF para maisaayos ang Hajj ng mga kababayang Muslim.
Nais ding matiyak ng mambabatas na mapapanagot ang sinumang responsable sa nasabing gusot.