Wednesday, January 28, 2026

Hakbang kontra political dynasty, suportado ng Comelec

Tiniyak ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na suportado ng ahensya ang anumang hakbang upang maipatupad sa bansa ang anti-political dynasty.

Ayon kay Garcia, wala nang kuwestiyon na kailangang maisulong ang naturang panukala, at naniniwala siyang maaari itong maisakatuparan sa ika-20 Kongreso.

Apela lamang ng poll chief, kailangang malinaw, malawak, maikli, at tiyak ang magiging batas upang maging epektibo ang implementasyon at maiwasang makuwestiyon sa Korte Suprema.

Giit ni Garcia, maaaring magkaroon ng problema sa Implementing Rules and Regulations (IRR) na ipatutupad ng Comelec kung hindi malinaw o hindi lubos na mauunawaan ang layon ng Kongreso.

Paliwanag ng opisyal, malinaw na nakasaad sa Deklarasyon ang polisiya laban sa political dynasty, subalit inatasan ang Kongreso na magbigay ng depinisyon, bumalangkas ng batas, at tiyaking maayos ang pagpapatupad nito.

Naniniwala si Garcia na pursigido ang Pangulo at ang Kongreso na maisulong ang anti-political dynasty, bagama’t ang pinakamalaking hamon aniya ay ang paglalatag ng teknikal na aspeto ng batas.

Facebook Comments