Umani ng kaliwa’t kanang suporta ang Pilipinas partikular ang mga hakbang ng administrasyong Marcos sa West Philippine Sea (WPS).
Ito’y sa patuloy na pangha-harass ng China sa ginagawang resupply mission ng gobyerno sa BRP (Barko ng Republika ng Pilipinas) Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ilan sa mga nagpakita ng suporta ay ang Amerika kabilang ang United Kingdom, Canada, Australia at New Zealand.
Giit nila, patuloy na nilalabag ng China ang international law kung saan hindi rin nito nirerespeto ang 2016 arbitral ruling hinggil sa isyu sa West Philippine Sea.
Matatandaan na iniulat ng National Task Force on the West Philippine Sea (NFT-WPS) na gumamit ng water cannon ang Chinese Vessel sa mga barkong magdadala ng suplay sa Ayungin Shoal.
Kaugnay nito, maging ang House of Representatives ay suportado rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga polisiya nito para sa masigurong ligtas at protektado ang mga Pilipinong mandaragat at mangingisda sa West Philippine Sea.
Mismong si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang nagsabing lahat sila ay suportado ang foreign policy ni Pangulong Marcos kung saan kinokondena nila ang panghihimasok ng China sa karagatan sakop ng Pilipinas.