Walang nakikitang mali ang Department of Justice o DOJ sa hakbang ng Department of Interior And Local Government (DILG) na pagsita sa mga estudyanteng makikitang magpapagala-gala pa sa mga matataong lugar, tulad ng mga malls sa gitna ng banta ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nais lamang ng DILG at Philippine National Police (PNP) na maprotektahan ang lahat.
Wala rin, aniyang, mangyayaring pag-aresto at sa halip ay pakikiusapan lamang ang mga estudyante na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan.
Sa ilalim na din, aniya, ng deklarasyon na ng State of Public Health Emergency, may mga kalayaan ang bawat indibidwal na kinakailangan isaalang-alang, tulad ng kalayaan sa pagbyahe o malayang kumilos saan man nila naisin para sa kapakanan ng nakakarami.