
Muling nagpaalala at nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa publiko hinggil sa pagkalat ng fake news at paggamit ng AI generated information.
Ayon kay Comelec Commissioner Ernest Maceda, nakikipag-ugnayan sila sa ilang social media platforms upang masiguro na maipaliwanag nang maayos at masugpo ang anumang fake news.
Aniya, mahalaga na madagdagan ang kaalaman ng mga botante hinggil sa mga AI generated information para mas lalo silang maging handa sa eleksyon.
Kaugnay nito, itinatag ng Comelec ang Task Force Katotohanan, Katapatan at Katarungan sa Halalan upang malaman ng mga botante kung ano ang mga fake news at AI generated information.
Dagdag pa ni Maceda na dapat paniwalaan lamang ng mga botante ang mga tamang balita at impormasyon kung saan maigi rin na alamin kung sino ang source o kung saan nanggaling ang balita.
Kaugnay nito, siniguro ng Comelec na mas malawak ang kanilang voter education para sa kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM dahil na rin sa dami ng naganap na pagbabago.










