
Wala pang hakbang o pagsisikap sa Kamara para muling mapabilis ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, katulad ng nangyari noong nakaraang taon kung saan higit sa kinakailangang one-third ng mga kongresista ang lumagda upang agad na maiakyat sa Senado ang Articles of Impeachment.
Ito ang pahayag ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, na isa sa mga endorser ng unang impeachment complaint laban sa bise presidente.
Naipadala na sa tanggapan ni House Speaker Faustino Dy III ang tatlong impeachment complaint laban kay VP Sara, at inaasahan ni Tinio na maisasama na ito sa Order of Business ng plenary session ng Kamara sa Miyerkules.
Ayon pa kay Tinio, kung hindi makakakuha ng sapat na one-third vote ng mga kongresista upang agad itong maisalang sa impeachment trial sa Senado na magsisilbing impeachment court, ire-refer muna ito sa House Committee on Justice upang matukoy kung ito ay sufficient in form and substance.
Para naman kay Tinio, mainam ding dumaan sa House Justice Panel ang mga reklamong impeachment laban sa bise presidente upang muling maipaalam sa publiko ang mga alegasyon laban dito, kabilang ang umano’y pag-abuso sa confidential funds at iba pang akusasyon.










