Simula bukas, December 1 ay mas magiging mababa na ang halaga ng COVID-19 testing na alok ng Philippine Red Cross (PRC) para mas maraming Pilipino ang ma-test para sa coronavirus.
Ayon kay PRC Chairperson, Senator Richard Gordon, inaprubahan ng Board of Governors na ibaba ang halaga ng COVID-19 testing bilang pagsunod sa kanilang mithiing magbigay ng access sa mabilis, accurate at abot-kayang COVID-19 testing sa bawat Pilipino.
Ang mga Pilipinong mag-a-avail ng COVID-19 testing ay magbabayad na lamang ng ₱3,409 kung ito ay ipapataw sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at ₱3,800 para sa private individuals.
Maniningil lamang ang PRC ng ₱4,800 sa mga nais mapabilis ang resulta ng kanilang test, na mayroong turnaround time na nasa 12 hanggang 24 oras.
Nasa ₱3,300 at ₱3,409 ang singil sa Local Government Units (LGUs) at institusyon na ipinapasa sa PhilHealth.
Mula nitong November 29, nakapag-test na ang PRC ng nasa isang milyong tao mula sa kanilang molecular laboratories sa bansa.