Kinumpirma ng Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund) na lumampas na sa P100 bilyon ang nailabas na home loan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa inilabas na pahayag ng pamunuan ng Pag-IBIG Fund, sinabi nito na naglabas sila ng mga pautang sa bahay na nagkakahalagang P97.28 bilyon at P3.5 bilyon naman para sa mga pautang sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng bahay.
Nakapagpalabas ng naturang ahensiya ng kabuuang P100.8 bilyon kung saan ito na ang pinakamataas na halagang inilabas sa isang taon.
Ayon pa sa Pag-IBIG Fund, noong 2021 ay lumago ng 58% kumpara sa P63.75 bilyon na inilabas noong 2020 at nalampasan ng 16% ang P86.74 bilyon na inilabas noong 2019.
Sinabi ni Pag-IBIG Fund chief executive officer Acmad Rizaldy Moti, nakapagtala ng record-high na 94,533 housing units para sa mga miyembro nito, na tumaas ng 48% kumpara sa 63,750 housing units na pinondohan noong 2020.
Nakapaglabas din ng P9.71 bilyon sa pagkuha ng 22,028 socialized housing units para sa mga miyembrong kabilang sa minimum-wage at low-income sectors, o 23% ng kabuuang bilang ng mga bahay na pinondohan para sa taong 2021.