Halaga ng imprastrakturang napinsala ng Bagyong Rolly, halos ₱6 billion na!

Umaabot na sa ₱5.756 billion ang halaga ng mga napinsalang imprastraktura sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Rolly.

Ayon kay Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar, sa naturang halaga ₱1.515 billion ang pinsala sa mga kalsada; ₱458.2 million sa mga tulay; ₱2.036 billion sa flood-control structures; ₱367.25 million sa mga pampublikong gusali; at ₱1.4 billion sa iba pang mga imprastraktura.

Mayorya aniya ng mga nawasak ng Bagyong Rolly ay sa Bicol Region na umaabot sa ₱4.621 billion.


Sinabi pa ni Villar na sa ngayon may mga kalsada pa rin sa Catanduanes ang hindi madaanan at walang alternatibong ruta.

Tiniyak naman ng Villar na minamadali na ng DPWH quick response teams ang clearing operations sa mga apektadong road sections o mga kalsada sa Catanduanes.

Ito ay dahil kailangang-kailangan na aniya itong mabuksan para sa relief efforts para sa mga residente ng isla.

Maliban sa Catanduanes, may limang road closures pa sa ibang lugar sa Bicol Region; habang tig-dalawa sa Cordillerra Administrative Region (CAR) at Central Luzon dahil sa mga bumagsak na poste at kable ng kuryente at iba pang debris.

Sa kasakuluyan, na-clear na ng DPWH quick response teams ang labing-siyam na road sections na naapektuhan ng Bagyong Rolly.

Facebook Comments