Halaga ng iniwang pinsala ng Bagyong Odette sa sektor ng agrikultura, pumalo na sa higit dalawang bilyong piso

Sumampa na sa ₱2.2 billion ang halaga ng iniwang pinsala ng Bagyong Odette sa sektor ng agrikultura.

Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na ang mga naapektuhang lugar ay ang mga rehiyon ng CALABARZON, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao, at CARAGA.

Nasa 33,899 na mga magsasaka at mangingisda rin ang naapektuhan ang kabuhayan kabilang na ang mga palay, mais, livestock at fisheries at ang mga kagamitan kagaya ng mga makinarya.


Samantala, aabot naman sa ₱585.5 million ang nasira sa mga imprastraktura ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay DPWH acting Secretary Roger Mercado, naitala ang pinakamalaking halaga ng pinsala sa MIMAROPA na mayroong ₱231.9 million.

Sinundan ito ng Eastern Visayas na mayroong ₱173.4 million, CARAGA Region na mayroong ₱145 million at Western Visayas na nasa ₱35.5 million.

Habang hindi pa aniya nakakapagsumite ng reports ang iba pang rehiyon kaugnay sa naging pinsala sa mga kalsada, tulay at flood control structures.

Facebook Comments