Halaga ng interbensyon ng DA sa mga apektado ng Bagyong Maring, umabot na sa P1.5-B

Itinaas na sa P1.5-B ang inilaang pondo ng Department of Agriculture (DA) bilang interbensyon sa agri-fishery sector na matinding sinalanta ng Bagyong Maring.

Mula sa naturang halaga, P650 M ay inilaan para sa pagkakaloob ng emergency loans sa mga apektadong magsasaka at mangingisda sa ilalim ng SURE Calamity Loan Assistance Program sa pamamagitan ng DA-Agricultural Credit Policy Council.

Maaring makautang ang kada magsasakang kasambahay ng P20,000 na walang interest, collateral at babayaran sa loob ng sampung taon.


Maliban sa pautang, naglaan din ang DA ng P172 M sa ilalim ng Quick Response Fund para sa rehabilitasyon ng nasirang sakahan at taniman sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, at SOCCSKSARGEN.

Nakahanda na rin ang P370 million na crop insurance sa ilalim ng Philippine Crop Insurance Corporation para sa bayad pinsala sa mga apektadong magsasaka sa Cordillera Administrative Region, Regions 1, 2, 3, at MIMAROPA.

Facebook Comments