Hindi na masabayan ng minimum na arawang sahod ng mga manggagawa ang kaliwa’t kanang taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ayon kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, habang pataas nang pataas ang presyo ng mga bilihin ay nakapako naman ang sweldo ng mga manggagawa.
Aniya, kung pagbabatayan ang arawang sahod sa National Capital Region na ₱570 ay nabawasan pa ng ₱29 ang tunay na halaga nito dahil sa mahal ng mga bilihin.
“Sa huling kwenta nga namin, nasa ₱1,161 na ang dapat na family living wage. Pero dahil ‘yung kasalukuyang estado, halimbawa sa NCR e ₱570 lamang, sa halip na habulin ‘yung pagmahal ng standard of living, ang nangyari pa, sa aming pagtatantiya mula noong Hunyo 2022, nabawasan pa ng ₱29 ang arawang sahod ng mga manggagawa,” ani Africa sa interview ng RMN DZXL.
Kaugnay nito, nanawagan ang grupo ng agarang aksyon sa gobyerno.
“Kailangang magbigay ng ayuda, kailangang magtaas ng sahod. Pero talagang ‘yung pangmatagalang mapagkukunan ng mga manggagawa ay paramihin ang disenteng trabaho at pagtaas ng itine-take home nila. ‘Yun, medyo pangmatagalang laban ‘yon,” mungkahi ni Africa.
“Pero pwede namang mga panimulang hakbang, seryosohin naman ‘yung pagpapaunlad ng agrikultura at lokal na industriya. Kasi kung puro, pa-ayuda-ayuda lang d’yan, medyo band aid siya at medyo magastos,” dagdag niya.