Halaga ng mga ari-arian na nasa freeze order kaugnay sa flood control anomaly, pumalo na sa mahigit ₱4.4 billion; ika-limang freeze order, inilabas

Nakakuha ng panibagong freeze order ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) mula sa Court of Appeals kaugnay pa rin sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Ayon sa AMLC, saklaw ng ika-limang freeze order ang mga dagdag na bank accounts na iniuugnay sa mga persons of interests partikular ang isang kompanya na ginagamit umano sa implementasyon ng ghost projects.

Sabi ni AMLC Executive Director Atty. Matthew David, mahalaga ang pagpapatupad ng freeze order para mapalakas ang pagtukoy sa mga ebidensiya at masiguro na hindi maitatago ang mga pera na nakuha sa iligal.

Sa ngayon, aabot na sa mahigit ₱4.4 billion ang halaga ng mga ari-arian na inilagay sa freeze order.

Kinabibilangan ito ng 1,632 bank accounts, 54 insurance policies, 163 na sasakyan, 40 na real properties at 12 e-wallet accounts.

Inaasahang tataas pa ito sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Facebook Comments