Pumalo na sa higit 300 milyong piso ang halaga ng mga nasirang health facilities na hinahawakan ng Department of Health (DOH) dahil sa mga nagdaang Bagyong Rolly at Ulysses.
Sa datos ng DOH, nasa 310.9 milyong piso ang halaga ng mga napinsalang pasilidad noong Bagyong Rolly habang 4.1 milyong piso naman noong Bagyong Ulysses.
Ayon sa DOH, hindi pa rin operational ang mga Barangay Health Station (BHS) sa Cordillera Administrative Region habang ilang medical at rehabilitation centers ang hindi pa rin naayos sa Region 3 kung saan ilang ospital, Regional Health Units (RHU) at BHS ang napinsala sa Region 2, Region 4 at Region 5.
Nagkaroon naman ng minor damages ang ilang ospital sa National Capital Region (NCR) partikular ang East Avenue Medical Center at Amang Rodriguez Memorial Medical Center gayundin ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Samantala, minamadali na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagpapalabas ng 83 bilyong pisong hindi nagamit na pondo para mabigyan ng tulong ang mga Pilipinong naapektuhan ng bagyo at ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, ginagawa na nila ang lahat ng makakaya para mailabas ang lahat ng pondo.
Ginawa ng DSWD ang hakbang matapos malaman sa pagdinig sa Senado hinggil sa kanilang pondo para sa susunod na taon na may 75 bilyong piso ang natitira sa kanilang 2020 budget habang 6.7 bilyong piso rin ang natira sa Social Amelioration Program (SAP) at nasa 1.5 bilyong piso naman mula sa kanilang 2019 budget.