Halaga ng naibigay ng DOH na compensation sa mga healthcare worker na nagpositibo sa COVID-19, umabot na sa mahigit P280 million

Umabot na sa P282 milyon ang naiproseso ng Department of Health (DOH) bilang kompensasyon para sa mga healthcare worker na nagpositibo sa COVID-19 at sa mga namatay sa sakit habang nasa tungkulin.

Batay sa DOH, ang P282 milyon ay sumasaklaw sa hindi bababa sa 21,800 na pagkakasakit at death compensation claims ngayong 2022.

Anila, P15,000 ang ibibigay sa mga may mild to moderate na sintomas ng COVID-19 habang P100,000 para sa malala at kritikal na kaso.


P1 milyon naman ang ibibigay bilang kabayaran sa mga legal na tagapagmana ng mga namatay sa sakit habang nasa tungkulin.

Tiniyak ng DOH sa publiko na nakikipagtulungan ito sa Department of Budget and Management (DBM) para ilabas ang mga pondo para sa pagbabayad ng 2022 at 2021 compensation claims.

Batay sa Joint Circular ng DOH at DBM, P1.08 bilyon pondo ang inilabas para sa claims ng mga healthcare worker na may coverage period mula Enero 1, 2022 hanggang sa maalis ang state of public health emergency sa bansa.

Facebook Comments