Halaga ng pinsala ng bagyo sa agrikultura at imprastraktura, patuloy na lumolobo

Patuloy na tumataas ang halaga ng pinsalang iniwan ng Bagyong Egay at habagat sa sektor ng agrikultura at imprastraktura.

Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw, umabot na sa ₱1.9 bilyon ang halaga ng pinsala ng bagyo sa agrikultura.

Ayon pa sa NDRRMC, nasa 114,565 na ang mga magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng sama ng panahon kung saan 10,479 hektaryang taniman ang totally damaged at 120,415 production loss in metric tons ang naitala.


Samantala, ₱3 bilyon naman ang inisyal na pinsala ng bagyo sa imprastraktura.

Karamihan ng mga sinira ng bagyo ay mga daan, tulay, flood control, government facilities, mga paaralan, utility services facilities mula sa Region 1, 2, at CALABARZON.

Sumampa naman sa ₱344,000 ang iniwang pinsala ng bagyo sa mga kabahayan kung saan 34,000 mahigit na mga tahanan ang partially damaged habang nasa 1,283 ang totally damaged.

Sa ngayon, wala namang naitalang pinsala sa irigasyon ang NDRRMC.

Nagpapatuloy rin ang ginagawang assessment ng pamahalaan kung kaya’t posible pang lumobo ang halaga ng pinsala ng bagyo.

Facebook Comments