Aabot sa ₱300-M ang halaga ng nasirang produksyon ng mais sa pamemeste ng ‘fall armyworm’.
Sa virtual presser sa Department of Agriculture (DA), sinabi ni DA Corn Program Dir. Lorenzo Caranguian na nasa 11,000 na ektaryang maisan ang inatake ng naturang peste.
Gayunman, 1.3 percent lang aniya ito ng 1.2 million hectares sa mga corn producing region sa bansa.
Kabilang sa mga lugar na matinding pinerwisyo ng fall armyworm ay ang Cagayan Valley, SOCCSKSARGEN, Northern Mindanao at Zamboanga Peninsula.
Ayon pa kay Caranguian, nakapagpalabas ang DA ng ₱150-M na pondo para sa interbensyon sa mga lugar na pineste ng fall armyworm.
Sa ngayon, ay halos naani na lahat ang produksyong mais sa Isabela at Cagayan.
20% na lang ang kinakailangan pang anihin sa Mindanao.
Sinabi ni Caranguian, naging maganda ang ani ng mais sa 3rd quarter ng 2020 kung saan nakapag-ani ng 8 Metric Tons (MT) ng mais na mas mataas sa 7.7 MT sa parehong panahon noong 2019.