Pumalo na sa P19.10 million ang naitatalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa ilang rehiyon na sinalanta ng Bagyong Florita.
Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Agriculture (DA), umabot na sa 1,286 na magsasaka at 1,833 ektarya ng agricultural areas ang apektado.
Aabot na rin sa kabuuang 1,132 metric tons ang nasirang pananim.
Naitala ang mga pinsala sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, at Central Luzon.
Kabilang sa mga lubhang napinsala ay ang mga pananim na palay, mais at high value crops.
Patuloy pa ang isinasagawang assessment ng DA sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad at inaasahan pa na tataas ang halaga ng pinsala.
Pagtiyak ng DA na may nakahanda na rin silang ipapamahaging tulong sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.