Halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa Bagyong Karding, lumobo na sa P1.97-B

Patuloy na nadagdagan pa ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura ang naitatala ng Department of Agriculture (DA) dahil sa Bagyong Karding.

Batay sa pinakahuling ulat ng DA, mula sa P1.29 billion kahapon, pumalo na ngayon sa P1.97-B ang halaga ng pinsala sa agricultural products.

Ang mga dagdag na datos ay mula Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon at Bicol Region.


Tumaas din sa 148,091 ektarya ng farm lands at 88,520 ng magsasaka at mangingisda ang naapektuhan.

Kaugnay nito, dinagdagan na rin ng DA ang pondo para ayudahan ang mga apektadong magsasaka.

Itinaas na sa P170.34 million ang halaga para sa binhi ng palay habang P23.16-M naman para sa buto ng mais at P13.55-M halaga sa iba’t ibang uri ng vegetable seeds.

Kabilang din sa sinalanta ng kalamidad ang Cordillera Administrative Region at CALABARZON area.

Facebook Comments