Halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa Bagyong Karding, lumobo pa sa ₱3.12 billion

Lumobo pa sa ₱3.12 billion ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa Bagyong Karding.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), naitala ang agricultural damage sa bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region at Western Visayas.

Nasa 108,594 na magsasaka at mga mangingisda at 170,726 na ektaryang pananim ang naapektuhan ng bagyo.


Katumbas naman ng 158,117 metric tons ang naitalang production loss.

Ayon sa DA, karamihan sa mga nasira ay ang mga pananim na palay, mais, high value crops, livestock at poultry, at mga palaisdaan.

Tiniyak naman ng DA na may nakahandang ayuda ang kagawaran para sa mga apektadong magsasaka at mga mangingisda.

Kabilang na ang ₱185.69 milyong halaga ng binhi ng palay, ₱23.16 milyong halaga ng corn seeds at ₱13.55 milyong halaga ng assorted vegetable seeds.

Mayroong ₱2.45 milyong halaga ng animal heads, drugs and biologics para sa livestock at poultry at mga fingerlings at fishing paraphernalia para sa mga mangingisda.

Sinabi pa ng DA na mayroong Survival and Recovery (SURE) Loan Program mula sa Agricultural Credit Policy Council (ACPC) kung saan maaaring mag-loan ang mga magsasaka o mangingisda ng hanggang ₱25,000 na maaring bayaran sa loob ng tatlong taon ng walang interest.

Mayroon ding inihanda ang DA na ₱500 milyong halaga ng Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.

Pinapayuhan ang mga magsasaka at mangingisda na makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng DA para makakuha ng ayuda.

Facebook Comments