Umakyat na sa P3.16 billion ang halaga ng pinsala ng Bagyong Paeng sa sektor ng agrikultura.
Sa report ng Department of Agriculture Disaster Risk Reduction and Management (DA-DRRM) Operations Center, nasa 83,704 ang bilang ng mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan.
Naitala ang mga pinsala sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Central Mindanao, at Soccsksargen.
Nasa 83,704 ektaryang lupain ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyo habang nasa 197,812 metric tons ang nasirang produksyon.
Kabilang sa mga lubhang napinsala ay ang palay, mais at mga high value crops, pangisdaan at livestock at poultry.
Tiniyak naman ng DA na may nakahandang ayuda ang kagawaran para sa mga apektadong magsasaka at mga mangingisda.
Kabilang na ang P1.74 bilyong halaga ng binhi ng palay, P11.57 milyong halaga ng corn seeds at P20.01 milyong halaga ng assorted vegetable seeds.
Mayroong P176,000 na halaga ng animal heads, drugs and biologics para sa livestock at poultry at mga fingerlings at fishing paraphernalia para sa mga mangingisda.
Sinabi pa ng DA na mayroong P400-M Survival and Recovery (SURE) Loan Program mula sa Agricultural Credit Policy Council (ACPC) kung saan maaaring mag-loan ang mga magsasaka o mangingisda ng hanggang P25,000 na maaring bayaran sa loob ng tatlong taon at walang interes.
Pinapayuhan ang mga magsasaka at mangingisda na makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng DA para makakuha ng ayuda.