Halaga ng proyekto ng mga mambabatas sa ilalim ng 2019 budget, niligyan ng limitasyon

Manila, Philippines – Itinakda sa kabuuang 50-billion pesos ang ceiling o limitasyon para sa re-priotization ng mga proyekto ng mga mambabatas na nasa ilalim ng panukalang 2019 national budget.

Ito ang napakasunduan ng mga Senador at Kongresista na bumubuo sa Bicameral Conference Committee para sa 2019 budget.

Ito ay makaraang lumabas sa Bicam hearing na nasa mahigit 189-billion pesos ang infrastructure projects na nasa budget version ng Senado habang 51-billion pesos naman sa Kamara.


Ayon kina Finance Committee Chairperson Senator Loren Legarda at Senator Panfilo Ping Lacson, ang nabanggit na mga proyekto ay hindi naman pork barrel kundi mga institutional ammendments sa budget na hiniling mismo ng mga ahensya.

Paliwanag pa ni Lacson, hindi maituturing na pork barrel kung nanggaling ang request sa ahensya, kumpleto ang planning, may consultation sa kinauukulang ahensya.

Samantala, target ng dalawang kapulungan na tapusin ang bicam sa budget sa January 30 para maratipikahan ito bago mag-break ang kanilang session sa February 6.

Facebook Comments