Inihayag ng isang economic think tank group na IBON Foundation na hindi na tumutugma ang halaga ng sahod ng isang Pilipino sa patuloy na pagsipa ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ayon kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, hindi halos maramdaman ang inaprubahang umento sa sahod ng mga manggagawa.
Aniya, lumiit na ang halaga ng sweldo ng mga Pilipino kahit pagsama-samahin pa ang inaprubahang taas-sahod.
Dagdag pa ni Africa, malaki na rin ang ginagawang pagtitipid ng bawat mamamayan upang makaraos sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Ayon sa kanilang pag-aaral, kailangan ng mahigit ₱1,900 kada araw ang isang pamilyang may limang miyembro upang makapamuhay ng maayos.
Dapat din aniya maisulong ang ₱757 national minimum wage para makasabay ang mga manggagawa sa walang tigil na taas-presyo sa mga bilihin.
Samantala, hinimok din ni Africa ang pamahalaaan na paglaanan pa ang pamamahagi ng ayuda na kukuhanin mula sa pondo sa mga imprastruktura.