Halaga ng umento sa sweldo sa region 4A at iba pang rehiyon, posibleng ilabas sa susunod na buwan ayon sa DOLE

Inaasahang mailalabas na sa susunod na buwan ng Region 4A wages and productivity board ang hirit na umento sa sweldo.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na nasimulan na kamakalawa ang pagdinig sa wage petition, kasunod aniya nito ang proseso sa deliberasyon.

Karaniwan o normal aniya ay inaabot lamang ng isang buwan at natatapos na ang buong proseso huwag lang masabayan ng hindi inaasahang pangyayari.


Paglilinaw naman ni Laguesma na hindi lamang Region 4A ang nagsasagawa ngayon ng mga pagdinig sa petisyon sa umento sa sweldo kundi maging ang iba pang regional wage boards.

Paliwanag naman ni Laguesma na hindi niya pwedeng pangunahan ang wage boards kung kailan dapat tapusin at kung magkano ang dapat na idagdag na umento.

Nais kasi aniya nilang mapanatili ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang kanilang pagiging independent.

Dagdag pa ng kalihim na hindi lamang ang usapin ng umento sa sweldo ang dapat tingnan ng wage boards kundi maging ang dagdag na productivity para parehong makinabang dito ang mga manggagawa at mamumuhunan.

Facebook Comments