May mahigit isang bilyong pisong halaga ng tulong ang naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba’t ibang Local Government Unit (LGU) sa mga naapektuhan ng Bagyong Florita.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DSWD Undersecretary Marco Bautista na ang nabanggit ng halaga ng tulong ay ipinamigay sa Cordillera Administrative Region (CAR), Region 1, 2, 3 at National Capital Region (NCR).
Naipamahagi aniya ito sa mga naapektuhang pamilya kasama na ang mga hanggang ngayon ay nananatili pa rin sa mga evacuation center.
Sinabi pa ni Bautista na ngayon may mga umalis na sa mga evacuation center at umuwi na sa kani-kanilang tahanan matapos ihayag na ligtas nang umuwi.
Ayon naman kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, may mga ulat pa rin silang natatanggap na mga pagbaha gaya sa Daraga, Camalig at Sorsogon.