Halagang P3,000 na Pekeng Vaccination Card, Nahuli sa isang Porter ng NVAT

Cauayan City, Isabela-Nahuli ang isang lalaki sa pagbebenta umano ng pekeng vaccination card matapos ang ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad sa Almaguer North, Bambang, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLT. Marvin Deculing, Deputy Chief of Police ng Bambang Police Station, kinilala ang suspek na si Perlito Cabanban, 49-anyos, may asawa, isang porter ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) at residente ng Poblacion, Aritao, Nueva Vizcaya.

Pag-aamin ng suspek na bawal sa kanilang relihiyon ang pagpapaturok ng bakuna kaya’t naisipan nitong bumili na lamang sa isang tao at kalauna’y naisipan na lamang nitong magbenta ng vaccination card.

Ayon pa kay PLT. Deculing, nagpanggap ang isa sa kanilang tauhan na bibili ng tatlong vaccination card sa halagang P3,000 bawat isa.

Nakuha mula sa suspek ang pekeng vaccination card na nakapangalan sa kanya, isang pitaka, dalawang cellphone at ang perang ginamit sa transaksyon.

Mahaharap si Cabanban sa kasong falsification of public document in relation to Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act.

Facebook Comments