Manila, Philippines – Hinikayat at pinaalalahan ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada ang lahat ng mga kumakandidato sa darating na eleksiyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa Mayo 14 na mahigpit na sundin ang lahat ng alituntunin at regulasyon na iniuutos ng Commission on Elections (COMELEC).
Hinimok din uli ng alkalde ang lahat ng rehistradong botante sa lungsod na wag iboto ang mga kandidato na korap at kasangkot sa ilegal na droga.
Mahigit na dalawang linggo na lamang at idaraos na ang halalang Barangay at SK kaya muling nagpaalaala ang alkalde ng Maynila na maging matalino sa pagpili ng iboboto sa eleksiyon ng Barangay at SK sa Mayo 14.
Dagdag pa ng alkalde na isang magandang pagkakataon ang darating na eleksiyon upang maalis sa pwesto ang mga opisyal na kasangkot sa korapsyon at nakikinabang sa ilegal na droga.
Nagpaalala rin si Estrada sa mga Lokal na kandidato tungkol sa spending limit na dapat gastusin sa bawat rehistradong botante ayon sa iniuutos ng Fair Election Act.
Sabi ng Commission on Election (COMELEC), limang piso lamang ang dapat na gastusin sa bawat rehistradong botante at hindi sa dami ng populasyon.
Nagpaalala rin si Estrada sa mga kandidato sa 896 Barangay sa Siyudad na iwasan ang maagang pangangampanya, pagkakalat ng black propaganda at pamimili ng boto at ang paggawa ng iba pang ilegal na aktibidad upang manalo sa Eleksiyon.
Itinakda ng COMELEC ang opisyal na panahon ng pangangampanya mula Mayo 4 hanggang Mayo 12.
Nagpaalaala rin ang COMELEC sa mga kandidato na ang pinapayagang materyales sa eleksiyon ay pamphlets, leaflets, stickers at posters na hindi hihigit sa sukat na “2 feet by 3 feet.”