Manila, Philippines – Balik manual voting ang Commission on Elections (COMELEC) sa eleksyon sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa May 14.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, pula ang imprenta ng mga balota para sa SK habang itim naman ang imprenta ng mga balota para sa barangay positions.
Aniya, kinakailangang isulat ng mga botante ang pangalan ng kandidatong iboboto nila.
Tatanggapin naman aniya ng COMELEC ang mga palayaw o alyas basta at naideklara ito sa Certificte of Candidacy (COC) ng kandidato.
Gayunman, hindi aniya kinakailangang mapunan ng botante ang lahat ng posisyon.
Sabi pa ni Jimenez, pwedeng magkakaroon ng “assistor” ang mga botanteng hindi makakapagsulat.
Pero dapat ay kapamilya, kamag-anak o election officer sa presinto ang magsisilbing “assistor.”
Ang mga botanteng may edad 15 hanggang 17 ay bibigyan ng balota ng SK.
Bibigyan naman ng balota ng barangay ang mga edad 31 pataas habang parehong balota ng SK at Barangay ang iaabot sa mga edad 18 hanggang 30.
Nilinaw rin ng COMELEC na valid pa rin ang mga balotang naimprinta noong 2017.