HALALAN | Maagang paglalatag ng security measures para sa 2019 midterm election idinepensa ni PNP Chief Albayalde

Manila, Philippines – Mas maaga, mas maganda ito ang sinabi ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde sa puna ng ilan na tila masyadong maaga ang paghihigpit ng seguridad para sa 2019 elections.

Paliwanag ng opisyal, isa itong paraan upang maiwasan ang mga election related violence o ang pagiging madugo ang papalapit na campaign at election season sa mga lokal na pamahalaan.

May trend kasi aniya dito sa bansa na kapag papasok na ang panahon ng eleksyon ay tumataas rin ang mga krimen lalo na ang kaso ng mga pamamaslang.


Matatandaang nitong nakaraang linggo nga lang ay tatlong local chief executive na ang tinambangan at napaslang at isa sa pangunahing anggulong sinisilip ng mga otoridad ay ang pulitika.

Pinawi rin ni Albayalde ang pangamba ng ilan sa tila unti-unting pagbabalik ng mga nangyari noong panahon ng batas militar.

Kabilang kasi sa utos ni Albayalde sa kanyang hanay ang pagpapaigting ng 24/7 checkpoints o oplan sita sa buong bansa, pagpapalakas ng police visibility at iba pang mga focused-law operations.

Binigyang diin ng hepe ng pambansang pulisya, wala itong kinalaman sa deklarasyon ng martial law dahil dati na rin aniya itong ginagawa ng PNP.

Facebook Comments