Manila, Philippines – Walang masama, bagkus mas makakabuti para sa lahat ng mga kandidato kung tatalima ang mga ito sa mga nagawa na at gagawin pang mga peace covenant sa kani-kanilang lugar.
Ayon kay Southern Police District Director Tomas Apolinario, sa tuwing sumasapit ang halalan ay nailulunsad ang mga ganitong aktibidad kaya at hindi na rin dapat masabi ng mga kandidato na bago ito sa kanilang pandinig, lalo na yung maaring masangkot sa election violence.
Aminado naman ang opisyal na mas mahigpit ang labanan kapag idinadaos ang Barangay at SK Election dahil magkakakilala at magkakalugar ang mga magkakatunggali.
Kaya at hinikayat ni Apolinario ang mga kandidatong mainam na seryosohin, at maging sinsero sa nilalagdaang peace covenant bago pormal na simulan bukas ang campaign period na magtatagal hanggang sa Mayo a-dose.
Kaugnay nito, kahapon ng umaga nang maglunsad sa Jose Rizal Elementary School sa Park Ave, Pasay City ang mga kinatawan ng local COMELEC ng lungsod na nilahukan ng mga myembro ng Pasay Police.
Ngayong alas otso naman ng umaga, magsasagawa ng peace covenant ang mga kandidato sa lungsod ng Makati na gagawin sa City Hall Quadrangle at sasaksihan ni Gen. Apolinario.
Habang alas tres naman ng hapon mamaya, gagawin ang peace covenant sa lunsod ng Taguig sa lakeshore tent, C-6, Lower Bicutan na dadaluhan ni NCRPO Chief Police Director Camilo Cascolan.