Manila, Philippines – Posibleng bilhin na ng Commission on Elections ang mga vote counting machine mula sa Smartmatic para gamitin sa mga susunod pang halalan.
Sa kabila ito ng panawagan ni senate Majority Floor Leader Tito Sotto na tuluyan nang i-blacklist ang Smartmatic dahil sa masamang reputasyon nito sa iba’t ibang bansa pagdating sa halalan.
Sabi ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon, mas makamumura kasi sila kung bibilhin na lang ang siyamnapu’t dalawang libong (92,000) vcm sa halip na arkilahin o rentahan ito sa Smartmatic.
Binigyang diin pa ni Guanzon na kung ikukumpara sa anim na bilyong pisong halaga ng mga bagong makina mula sa ibang supplier, aabot lamang ng 1.9 bilyong piso ang gagastusin ng gobyerno kung mula sa Smartmatic ang mga bibilhing makina.