HALALAN | Panukalang nagbabawal sa lipatan ng partido, inaasahang aaprubahan agad

Manila, Philippines – Kampante si House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman Sherwin Tugna na maipapasa ng Mababang Kapulungan ang panukala na nagbabawal sa lipatan ng bakod o partido ng mga pulitiko.

Ayon kay Tugna, tiwala siya na maaaprubahan ang Anti-Turncoatism Bill bago matapos ang 3rd regular session ng 17th Congress.

Sinabi pa ng mambabatas na makakakuha ito ng suporta sa mga mambabatas dahil ito ay pangunahing ini-akda ni House Speaker Gloria Arroyo.


Posible aniyang agad itong maipapasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa pagbabalik ng sesyon ng Kamara ngayong November 12.

Bagaman at hindi pa alam ng Kamara ang posisyon dito ni Pangulong Duterte, naniniwala naman ang mambabatas na kung ano ang mabuti para sa bansa ay lalagdaan ng Pangulo.

Balak namang kausapin ni Tugna si Senador Koko Pimentel III na Chairman ng Committee on Electoral Reforms and People’s Participation kung kailan uusad sa Senado ang bersyon ng anti-turncoatism bill.

Layunin ng panukala na palakasin ang political party system, maiwasan ang mga political butterflies at alisin sa mga posisyon ang mga pulitikong lalabag sa oras na maging ganap na batas ang panukala.

Facebook Comments