HALALAN | Voters registration, magsisimula ngayong araw

Manila, Philippines – Aarangkada na ngayong araw, July 2 ang voters registration sa buong bansa maliban sa Marawi City.

Ito ang itinakdang petsa ng Commission on Elections (COMELEC) para sa May 2019 National and Local Elections.

Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, magtatagal ang registration hanggang September 29, 2018.


Aniya, hindi nila aasahang dadagsain ang registration sa unang araw lalo at ugali ng mga Pilipino na magparehistro sa ‘last minute’ o malapit na sa deadline.

Pero umaasa ang poll body na marami pa rin ang magpaparehistro sa loob ng registration period.

Ang mga applications ay dapat isumite sa offices of the election officer ng lungsod, distrito o bayan kung saan nakatira ang botante.

Bukas ang mga opisina ng COMELEC mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, Lunes hanggang Sabado, kabilang ang mga holiday.

Bukod sa applications para sa bagong registration, tatanggapin din ang mga applications para sa reactivation, transfer, correction ng entry, at reinstatement ng records sa voters list.

Magsasagawa din ang COMELEC ng satellite registrations kung saan ang mga field officials ang tutungo sa mga barangay, public plazas, eskwelahan at iba pang pampublikong lugar.

Facebook Comments