Half-Pinay coach, kumpirmadong kasama ni Kobe Bryant sa bumagsak na chopper

727
Images from Facebook/Matt Mauser and NBA website

CALABASAS, CALIFORNIA – Kinumpirma ng awtoridad na may kasamang Filipino-American ang yumaong NBA legend na si Kobe Bryant nang bumagsak ang helicopter na sinasakyan nila nitong Linggo ng hapon, oras sa Estados Unidos.

Kabilang ang half-Pinay na si Christina Mauser, 38, sa siyam na kataong nasawi sa malagim na aksidente.


Pahayag ng naulilang pinsan na si Melanie Ramil, si Mauser ang tumatayong coach ni Gianna Bryant mula pa noong nasa elementarya ito.

Siya rin ang assistant coach ng yumaong NBA superstar sa itinayo nitong youth training center na Mamba Academy.

Sa panayam ng mga international news channel, ikuwento ni Matt Mauser, mister ni Christina, na bumilib si Bryant sa kaniyang misis dahil sa dedikasyon at galing nitong magturo ng depensa sa mga bata.

Aminado ang biyudo na hindi pa niya alam kung paano tatayong ina para sa naiwanang anak ng kabiyak.

Nagpasalamat si Matt sa lahat ng nakiramay at humihingi ng privacy at pang-unawa sa gitna ng pagluluksa nila.

Kasalukuyang sumasailalim sa forensic at DNA examination ang siyam na bangkay na narekober ng kinauukulan sa crash site.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa dahilan ng pagbagsak ng helicopter.

Facebook Comments