STA. BARBARA, PANGASINAN – Reactivated na muli ang halfway house na itinayo naman ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan sa bayan ng Sta. Barbara upang magamit at makatulong sa mga indibidwal na pasyente na tinatamaan ng COVID 19 na hindi naman kayang maadmit sa mga ospital.
Muli umanong binuksan ang naturang pasilidad matapos maitala noong mga nakaraang araw at linggo ang sunod sunod na mataas na kaso ng COVID19 sa Pangasinan.
Sinabi ng gobernador na bahagyang lumuwag at guminhawa ang Pangasinan Provincial Hospital dahil sa inilipat ang ilang pasyente upang mabantayan umano ang kanilang kalagayan.
May mga nakahanda umanong mga tents sakaling ito ay kailangan bilang paghahanda naman sa maaaring pagdagsa pa ng tao.
Siniguro rin ng pamahalaang panlalawigan at sa pangunguna ni Gov. Amado Espino na komportable ang mga pasyente na naka admit dahil sa tiniyak na well ventilated ang bawat pasilidad at makeshift tents na ginawa naman pansamantalang kwarto ng mga pasyente at maging pagdaragdag ng mga palikuran na magagamit ng mga ito.
Ginagawa umano ng pamahalaang panlalawigan ang lahat upang maibsan umano ang hirap ng mga pasyenteng dinadala sa mga Provincial Hospital. Sa huli nakiusap ang gobernador sa publiko na pag ibayuhin ang pag iingat at pagsunod sa health protocols upang tuluyang mapababa ang naitatalang kaso ng COVID19 sa buong lalawigan.