Nadadagdagan pa ang mga donasyon na nalikom ng Philippine National Police (PNP) para tulong sa mga apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Police Major General Benigno Durana, Hepe ng Directorate for Police Community Relations ng PNP, umabot na sa ₱69.1 Million ang pinagsamang pledge at pera na kanilang nakolekta sa ilalim ng PNP Bayanihan Challenge.
Kasama sa halagang ito ang mga donasyon mula leader ng command group at directional staff, Police Regional Offices, National Support Unit at star rank officers.
Una nang inanunsyo ng PNP na target na makalikom ng ₱200 milyon hanggang April 30 bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-ambag para matulungan ang mga apektado ng ECQ.
Samantala, simula ngayong araw ay matatanggap na ng mga qualified police frontliners ang ₱500 hazard pay.
Bukod dito, may matatanggap ding ₱5,000 ayuda ang mga pulis na miyembro ng Public Safety Mutual Benefit Fund Incorporated.